-- Advertisements --
PNP chief azurin

Nilinaw ngayon ni Philippine National Police chief, PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang kaniyang naging pahayag hinggil sa pagbibigay pa ng ikalawang pagkakataon para sa mga kriminal na naaaresto ng pulisya.

Ito ay matapos na umani ng iba’t-ibang reaksyon ang nasabing pahayag na ang ilan pa ay sinasabing tila anti-victim at pro-criminal ang naging pahiwatig nito.

Sa isang press conference ay sinabi ni Azurin na magkakaiba ang pananaw ng bawat isa kasabay nang pagbibigay-diin na ang “everybody deserves a second chance” na nakasaad din aniya sa bibliya.

Paliwanag niya, kinakailangang ipatupad ng pulisya ang batas nang naaayon sa tamang procedure o proseso dahil mahirap naman daw kung ang mindset ng kapulisan ay kailangang palaging may nasasawing buhay kapag nagsasagawa ang mga ito ng kanilang operasyon.

Aniya, sakaling hindi maiwasan na may mamatay sa kanilang police operations ay dapat na “naturally” ito nangyare upang walang maging dahilan para mapagdudahan ang taumbayan ang kapulisan.

Samantala, sa kabilang banda naman ay hinamon din ni Azurin ang lahat ng bumabatikos sa PNPa na tignan muna kung paano i-handle ng pulisya ang peace and order situation sa Pilipinas.

Dito ay sinabi rin niya na marami nang namatay at pinatay noon sa ngalan ng pagpapatupad ng seguridad at paglaban sa kriminalidad sa bansa ngunit sa kabila nang lahat ng ito ay marami at talamak pa rin aniya ang paglaganap ng krimen sa bansa.

Ibig sabihin ay mayroong iba pang paraan para ipatupad ito at ang tamang pagsasagawa aniya ng kanilang mga trabaho ang kaniyang nakikitang solusyon para muling manumbalik ang tiwala ng mamamayan.