Nanindigan si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na walang pagkukulang ang ahensya ng pambansang pulisya pagdating sa pagbibigay ng paalala at babala sa mga tauhan nito.
Ito ang iginiit ni Azurin kasunod ng patuloy na pagkakadawit ng ilang otoridad sa isyu ng ilegal na droga sa kabila ng maraming taon nang pakikipaglaban ng pamahalaan dito.
Sa kaniyang naging pahayag ay binigyang-diin ng hepe ng pambansang pulisya ang paniniwalang hindi sa ahensya ang naging pagkukulang kundi nasa mga kawani mismo nito.
Aniya, ang kakulangan sa commitment, at passion ng mga otoridad na nagtatrabaho laban sa ipinagbabawal na gamot ang problema kung bakit hanggang ngayon ay may mga alagad pa rin ng batas ang nasasangkot sa ilegal na droga.
Idinagdag naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na bukod sa internal cleansing na kanilang isasagawa sa buong hanay ng pulisya ay tututukan din aniya nila ang nangyayaring siraan sa loob mismo ng mga ahensya ng pamahalaan na isa sa mga paraan ng mga tiwali para sirain ang kampanya ng gobyerno kontra ilegal na droga.
Ngunit tiniyak niya na hindi nila pababayaan at agad nilang titignan sakaling mayroon ngang mamataang pagkukulang sa kanilang bahagi.
Samantala, una rito ay ipinahayag na rin ng PNP, PDEA na kasalukuyan na silang nagsasagawa ng mga imbestigasyon sa kani-kanilang mga ahensyang nasasakupan upang alamin kung mayroon nga bang sindikato sa loob ng mga ito na sanhi kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala-wala ang mga otoridad na sangkot sa mga ilegal na gawaing may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Matatandaan na kamakailan lang ay naaresto ng Philippine National Police ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Office – Southern District Office na si Enrique Lucero kasama ang dalawa pang mga tauhan nito dahil sa umano’y modus nito na pagbebenta ng mga recycled na shabu sa loob mismo ng kanilang opisina.
Habang noong buwan naman ng Agosto ay naaresto naman ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement group ang kabaro ng pambansang pulisya na si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo na nakumpiskahan naman ng mahigit 900 kilo ng shabu na may katumbas na halaga na 6.7 billion pesos.