-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Embassy sa Thailand na walang mga Pinoy ang nadamay sa insidente ng pamamaril sa isang day care center sa Thailand.

Ayon kay Ambassador Millicent Cruz-Paredes, tinawagan na nila ang Royal Thai Police para mangalap ng impormasyon kung may mga nadamay na Pinoy at sa kabutihang palad ay sa kasalukuyan walang nasugatan matapos ang deadly attack.

Sa kabila nito, patuloy naman na naka-monitor at nag-aantay ng impormasyon ang embahada sa magiging development sa naturang insidente.

Nagaabot naman ng pakikiramay ang embahada sa pamilya ng mga biktima.

Umapela naman ang opisyal sa mag Pilipino na nasa Thailand na may impormasyon sa kanilang kapwa Pinoy sa Nong Bua Lam Phu province na pinagganapan ng krimen na makipag-ugnayan at tumawag lamang sa hotline ng embahada.

Handa naman ang embahada na magpaabot ng tulong sa sinumang mga Pilipino at kanilang pamiya na apektado dahil sa nasabing insidente.

Una rito, isang dating police officer ang namaril sa isang nursery na kinilalang si Panya Khamrab, 34 anyos na nadismissed sa noong nakalipas na taon dahil sa paggamit ng metamphetamine pills kung saan nasa 30 katao karamihan ay mga bata ang nasawi.

Ang naturang suspek ay armado ng shotgun, isang pistol at kutsilyo na tumakas lulan ng isang pickup truck matapos isagawa ang krimen.

Pinatay din ng suspek ang kaniyang pamilya saka ito nagbaril din sa sarili.

Top