Umapela ang Philippine Chamber of Commerce and Industry sa pamahalaan na palawigin pa ang implementasyon ng tax cut hanggang sa huling bahagi ng taon.
Ito ay habang hindi pa umano gaanong natatamasa ng mga business owners ang tax cut program ng pamahalaan na ipinatupad bilang tugon sa naging epekto ng pandemya.
Batay sa inilabas na statement ng grupo sa pamamagitan ni PCCI President George Barcelon, karamihan sa mga negosyo sa bansa ay hindi nakapag-avail sa tax cut nitong nakalipas na dalawang taon dahil sa mahigpit na quarantine restrictions at hindi makapagsagawa ng aktwal na operasyon ang mga ito.
Umaasa ang grupo na ikukunsidera ng pamahalaan, lalo na ng Bureau of Internal Revenue ang posisyon ng mga negosyante, na labis na naapektuhan sa naging impact ng pandemya.
Kinabibilangan ito ng pagbaba ng kanilang sales, pagtanggal o pagbabawas sa mga mangagawa, extra expenses, at ang iba naman ay tuluyan nang nagsara.
Marami sa mga miyembro ng grupo aniya ang umaapela na mabigyan pa sila ng mas mahabang panahon upang ma-enjoy ang tax cut, at makabangon muli mula sa pagkalugi.
Kung hindi pagbibigyan ang kahilingang ito ng mga negosyante, nakatakdang ibabalik na sa dating rate pagsapit ng Hulyo-2 ng kasalukuyang taon.
Kinabibilangan ito ng percentage tax at minimum income tax.