Nagsagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines sa lugar malapit sa border ng Pilipinas at Taiwan.
Ayon kay Philippine Air Force – Public Affairs Office chief Col. Ma. Consuelo Castillo, nagpaabot ng aerial support ang kanilang hukbo sa Maritime Air Patrol operations ng Northern Luzon Command sa Northern Luzon Seaboard.
Gamit ang C-295 aircraft ng PH Air Force, ay nilibot sa kasagsagan ng naturang misyon ang iba’t-ibang mga lugar kabilang na ang Itbayat, Sabtang, at Babuyan Islands malapit sa hangganan ng Pilipinas at Taiwan.
Samantala, kaugnay nito ay wala namang napaulat na kakaibang aktibidad sa isinagawang pagpapatrolya ng kasundaluhan sa naturang mga lugar.
Kasunod nito ay siniguro naman ng PAF na mananatiling tapat ang kanilang hanay sa kanilang tungkulin kasabay ng patuloy na pakikipagtulungan sa iba pang mga sangay ng Hukbong Sandatahan at unified commands para sa coordinated response at komprehensibong seguridad sa maritime borders ng Pilipinas.