-- Advertisements --

Pinuna ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang “over-billing” ng PhilHealth sa pamahalaan sa ilalim ng pondong hinihingi para sa 2021.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng PhilHealth para sa susunod na taon, sinabi ni Quimbo na buti na lang ay naging alerto ang Department of Budget and Management (DBM) sa request ng state health insurer. 

Tanging P71 billion lamang kasi ang pinagbigyan ng DBM mula sa P183 billion na orihinal na request ng PhilHealth na mapasama sana sa National Expenditure Program.

Ayon kay Quimbo, tila nais na ipasagot ng PhilHealth sa pamahalaan ang premium contributions ng nasa 41.3 million indibidwal  na walang kakayanan na makapagbayad nito.

Masyadong malaki aniya ito kung ikukumpara naman sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pumapalo lamang sa 28.7 million indigents.

Sinopla rin ng kongresista ang mababang koleksyon ng PhilHealth sa nakalipas na taon mula naman sa direct contributors.

Base sa kanilang datos, sinabi ni Nerissa Santiago, senior vice president for actuarial services and risk management sector, papalo lamang sa P77 billion ang nakolekta ng PhilHealth noong 2019 kumpara sa 107 billion na kanilang dapat kolektahin.