Tiniyak ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi mako-kompromiso ang operasyon at serbisyo ng PhilHealth sa ilalim ng plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan ang lahat ng opisyal ng ahensya.
Sa isang panayam sinabi ni Duque, na umuupo rin bilang chair ng PhilHealth board, na kabilang sa prayoridad ng gobyerno ngayon na malaman kung alin sa mga opisina sa loob ng PhilHealth ang nalusutan ng mga sangkot sa “ghost dialysis treatment” case.
Nitong Lunes nang pulungin ng pangulo ang mga opisyal ng PhilHealth, kung saan inamin umano nito na may tiwala pa rin siya sa mga kawani ng ahensya.
Nais lang daw nito ng clean slate sa loob ng PhilHealth kaya inatasan nito ang lahat ng opisyal ng ahensya na magsumite na ng courtesy resignation.
Sa ngayon pinag-aaralan na rin daw ng pangulo ang posibilidad na mag-hire ng third party na gagawa ng assessment sa operasyon ng PhilHealth.