-- Advertisements --

Tiniyak ng PhilHealth na mayroon silang sapat na pondo para ma-sustain ang kanilang operasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Pahayag ito ni PhilHealth president at chief executive officer Ricardo Morales kahit pa inirekominda nila na magkaroon ng “general delay” sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.

Ayon kay Morales, walang dapat na ikabahala ang publiko sa issue sa pondo ng PhilHealth.

“We will be fine for the year 2020 and then maybe up to the middle of next year, so there’s nothing to worry about,” ani Morales.

Ngayong 2020, mayroon aniya silang reserba na P130 billion, at hanggang noong katapusan ng Abril ay P52.5 billion pa lamang ang nagagamit dito.

Iginiit ni Morales na walang binabawas na serbisyo ang PhilHealth sapagkat patuloy pa rin ang lebel ng serbisyo na kanilang ibinibigay.

Noong nakraang linggo lang, inirekominda ni Morales na maghinay-hinay sa implementasyon ng UHC dahil sa pagbaba ng kanilang koleksyon.

Sa ilalim ng UHC, lahat ng mga Pilipino ay otomatikong enrolled sa National Health Insurance Program.