-- Advertisements --

Kinalampag ni House Deputy Majority Leder Bernadette Herrera ang PhilHealth na kaagad bayaran ang pagkakautang sa Philippine Red Cross (PRC). 

Ginawa ito ni Herrera matapos na sabihin ni PRC president at CEO Richard Gordon na posibleng suspendihin nila ang kanilang COVID-19 testing program kung hindi mabayaran ng PhilHealth ang utang nila sa kanila na nagkakahalaga ng P700 million.

Iginiit ng kongresista na inilalagay ng PhilHealth sa alanganin hindi lamang ang buong COVID-19 testing operations ng PRC kundi maging ang access ng publiko sa mas murng swab tests.

Hindi aniya maaring mawala ang COVID-19 testing service ng PRC, na kayang makapagproseso ng 10,000 COVID-19 tests kada araw.

Nabatid na ang PRC ang siyang may pinakamurang COVID-19 swab test na nagkakahalaga ng P4,000 at ang resulta nito ay makukuha sa loob ng 24 hanggang 48 oras.

Hindi hamak na mas mura ito kung ikumpara sa P10,000 na singil ng mga pribadong ospital para sa kanilang swab tests.

Nababahala si Herrera na kung mahinto ang  swab service ng PRC ay lalong kakalat ang COVID-19 gayong maraming tao ang hindi makakapagpa-test at ma-diagnose.