Ipinagtanggol ni Philhealth Executive Vice President and Chief Operating Office Eli Dino D. Santos ang kanilang pagtataas singil ng premiums sa kanilang miyembro na magsisimula ngayong buwan ng Hunyo.
Sinabi ni Santos na mahalaga ang nasabing pagtaas singil nila na nakapalibot sa Universal Health Care (UHC) Act.
Isa rin aniya itong solusyon sa kakulangan ng pagpondo sa mga indirect contributors ng PhilHealth noong nakaraang mga taon.
Paliwanag pa nito na ang nasabing pagtaas ng singil sa premium ngayong taon ay otorisado ng section 10 ng Republic Act 11223 (UHC Act) na suportado ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pagtitiyak nito na ang walang ibang nais ang Philhealth kung hindi ang kapakanan ng nakakaraming Filipino.
Magugunitang ipapatupad na ngayong buwan ang 4 percent na taas na singil sa mga premium pay ng mga miyembro ng Philhealth.