Inirekominda ng PhilHealth ang “general delay” sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang pagharap sa virtual hearing ng joint oversight committee ng Senado at Kamara, sinabi ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales na kakaunti lamang ang kanilang koleksyon sa mga nakalipas na buwan.
Nasa 10 percent lamang kasi aniya ang kanilang nakokolekta sa ngayon mula sa mga direct contributors kung ikukumpara sa koleksyon noong nakaraang taon.
Sa kanyang presentasyon, ipinakita rin ni Morales na pagsabi ng 2024 ay aabot sa humigit kumulang P400 billion ang kanilang deficit.
Ngayong 2020, P153 billion ang proposed subsidy, pero ang naibigay lamang ng pamahalaan ay P71 billion, na ayon kay morales ay hindi sapat para mapondohan ang premium ng lahat ng indirect contributors.
Bukod sa “general delay” sa implementasyon ng UHC Law, inirekominda rin ni Morales ang postponement ng impelementasyon naman ng primary care benefits, kung saan sakop ang maraming mga sakit, kapansanan, at maintenance medicines ng mga miyembro ng Philhealth.
Ikinabahala nina House Committee on Health Chairperson Angelina Tan and Sen. Risa Hontiveros, may-akda ng UHC law, ang naging rekomendasyon ni Morales.
Iginiit ni Tan na mas kailangan sa ngayon na paigtingin ang implementasyon ng primary care services dahil sa COVID-19 pandemic.
Para naman kay Hontiveros, maiiwasan ang mas mataas na gastos sa mga health cases kung itutuloy ang primary healthcare services ng PhilHealth.