-- Advertisements --

Nananawagan si House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan sa PhilHealth at sa Department of Health na kaagad na kumilos para matiyak na mayroon pa ring access ang lahat sa kalidad at murang healthcare system sa bansa na itinatakda ng Universal Health Care Law (UHC).

Ginawa ito ni Tan kasunod na rin nang pagkalas ng mga pribadong ospital sa Iloilo City sa PhilHealth dahil sa P545 million na unpaid claims ng state-health insurer.

Iginiit ni Tan na ang pagkalas ng mga ospital na ito sa PhilHealth ay salugnat sa itinatakda ng UHC, na nagtitiyak sana para sa pagkakaroon ng equitable access sa lahat ng mga Pilipino para sa kalidad at murang health care goods at services.


Dahil sa sitwasyon ngayon sa lungsod ng Iloilo, sinabi ni Tan na mas matinding pasanin ang kailangan bitbitin ng mga publiko dahil sila na ang sasagot ng lahat ng gastusin sa pagpapa-ospital.

Ginawa na rin naman aniya ng Kamara ang lahat ng kanilang makakaya para humatong sa sitwasyon na ito pero nakakalungkot at hindi rin nagbunga ng magandang resulta ang mga isinagawang dayalogo sa pagitan ng mga stakeholders.