Sinuspinde muna ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang paniningil ng kontribusyon sa milyon-milyong Pilipinong miyembro nito sa loob at labas ng bansa.
Kasali na rito ang mga OFW, na kamakailan ay nagpahayag ng pagtutol sa mas mataas nang singil sa kanilang kontribusyon simula ngayong taon.
Ayon kay PhilHealth president Ricardo Morales, ang suspensyon ng paniningil ay bunsod ng kasalukuyang COVID-19 pandemic sa bansa.
Sa inilabas na moratorium ng ahensya, tatanggap pa rin sila ng kontribusyon mula sa mga miyembro na boluntaryong magbabayad ng kanilang premium pay.
Ipinaliwanag ni Morales na 0.5-percent lang ang madagdag sa kontribusyon ng mga OFW kada taon hanggang maabot ang buong 5-percent sa 2024. Alinsunod daw kasi ito sa nilagdaang Universal Health Care Law.
Batay sa datos na hawak ng opisyal, 3.6-milyon mula sa 10-milyong OFW lang ang miyembro ng PhilHealth.
Bukod sa Pinoy workers abroad, ilang opisyal ng gobyerno na rin ang bumatikos naturang increase.
Sa ilalim kasi ng PhilHealth memorandum circular na may petsang April 22, nire-require nitong tapyasan at ibayad bilang kontribusyon ang 3-percent ng sahod ng mga OFW na may monthly income na P10,000 hanggang P60,000.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque na isa sa mga principal author ng UHC Law, wala sa batas, kundi nasa implementing rules and regulations ng PhilHealth ang naturang increase.
Mismong pinuno rin umano ng ahensya ang responsable sa pagsusulat ng naturang IRR ng batas.
Nilinaw ni Morales na kapag natapos na ang krisis ng pandemic, ay ibabalik na rin sa normal ang singilan sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth.