Inamin ng PhilHealth na nabigyan ng pondong nakalaan sa interim refund mechanism (IRM) ang mga healthcare facilities na may pending cases at violations.
Sa pagpapatuloy ng joint hearing ng House committees on public accounts at good government and public accountability, ginisa ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang mga opisyal ng PhilHealth patungkol sa kanilang polisiya, kabilang na ang pamamahagi ng IRM funds sa iba’t ibang healthcare facilities sa bansa.
Inamin ni PhilHealth senior vice president Israel Francis Pargas na kahit may pending cases sa ahensya ang mga healthcare institutions (HCIs) ay nabibigyan pa rin ang mga ito ng emergency cash advance.
Ayon kay Pargas, ang sistemang ito ay napag-usapan sa executive committee meeting ng PhilHealth.
Sa nakalipas na pagdinig, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor, chairman ng House committee on public accounts, na kabuuang P1.49 billion IRM funds ang naibigay sa 51 hospitals na may pending fraudulent cases.