Inanunsyo ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) Corporation na aabisuhan nila ang kanilang mga miyembro na nakompromiso ang data pagkatapos nilang suriin ang impormasyong na-upload ng mga hacker.
Nauna nang inamin ng PhilHealth na ang lumang cybersecurity system nito ay nagbigay-daan sa mga hacker na magkaroon ng access sa mga work station ng mga empleyado, na ginagamit nila para mag-download ng data.
Gayunpaman, nabigo ang mga hacker na makalusot sa database ng PhilHealth sa membership, contribution, at accreditation.
Nauna na ring tinanggihan ng gobyerno ang mga kahilingan ng ransom ng mga hacker, na humantong sa pagtagas ng data sa Dark Web.
Sinabi ni Rey Baleña, acting vice president ng corporate affairs group ng PhilHealth, hinihintay ng state insurer ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na bigyan sila ng kopya ng mga file.
Aniya, bumuo na rin ng cybersecurity task force sa ahensya para maiwasang maulit ang mga katulad na pag-atake.
Una na rito, hinimok ng PhilHealth ang mga miyembro na huwag mag-entertain ng mga kahina-hinalang tawag at mga emails.