-- Advertisements --

MANILA – Aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang panukala ng Department of Health (DOH) na bigyang otoridad ang mga pharmacists at midwives na magturok ng COVID-19 vaccine.

“Ang mga doktor, nurse, pharmacists, allowed yan by law na mag-administer ng mga vaccination dahil mga trained at lisensyado ‘yan,” ani FDA director general Eric Domingo.

Nitong Lunes, sinabi ni Department of Health (DOH) na tinitingnan na rin nila ang posibilidad na gamitin ang pharmacists at midwives bilang dagdag na pwersa sa hanay ng vaccinators.

Sa ngayon kasi tanging mga nurse at doktor pa lang daw ang pinapayagan mag-turok ng bakuna laban sa coronavirus.

“Tinitingnan natin yung pagtulong ng ilang professionals sa healthcare dito sa ating pagbabakuna because we are requiring a lot of healthcare workers to implement this deployment of vaccines,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa ilalim daw ng Republic Act 10918 o Pharmacy Act, pwedeng mag-administer ng pagbabakuna ang mga rehistradong pharmacists. Kailangan lang daw nilang dumaan ng tamang training.

Pareho rin umano ang nakasaad sa implementing rules and regulations ng RA No. 7392 o National Midwifery Law, kung saan pwedeng magturok ng bakuna ang mga komadrona sa ilalim ng National Immunization Program ng DOH.

“Ini-specify din na mayroon mga bakunang pwedeng ibigay, doon sa provision may nakalagay na they can assist in immunizing against the major infectious diseases,” dagdag ni Usec. Vergeire.

Ayon kay Domingo, dapat dumaan sa training ang mga mapipiling registered pharmacists at midwives para payagang magturok ng COVID-19 vaccine.

Una ng sinabi ng FDA chief na maglalabas sila ng guidelines para alam ng publiko kung sino lang ang pwedeng magturok ng bakuna.