-- Advertisements --

Hinimok ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na bayaran na ang P27 billion na utang nito.

Apela ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano, dapat nang i-settle o bayaran ng Philhealth ang mga pagkakautang nito sa mga pribadong ospital bago matapos ang kasalukuyang taon.

KUng hindi pa aniya magawa ng Philhealth ang naturang kahilingan pagsapit ng Enero 2024, mapipilitan na aniya ang kanilang grupo na maglabas ng statement kaugnay sa umano’y inaction ng state health insurer.

Ayon pa kay de Grano, nakahanda silang bigyan ang Philheath ng sapat na oras upang matugunan ang naturang kahilingan.

Sinabi pa ng grupo na wala pa silang natatanggap na anumang halaga mula sa Philhealth sa kabila ng pagsasabi nitong nakapagbayad na ito ng hanggang 76% ng kasalukuyan nitong pagkakautang sa mga ospital.

Maalalang nitong nakalipas na buwan ay sinabi ng Philhealth official na nakapag-settle na ito ng kabuuang P20.651 billion mula sa P27 billion na halaga ng pagkakautang nito sa mga ospital.