Nakauwi ng limang gintong medalya ang mga weightlifters ng bansa sa ginanap na International Weightlifting Federation (IWF) Youth and Junior World Championships sa Lima, Peru.
Nanguna si Jay-R Colonia ng Zamboanga City na nagbulsa ng dalawang gintong medalya sa clean and jerk at total at isang silver medal sa snatch ng Youth men’s 49 kilogram category.
Sinabi ni Colonia na hindi niya lubos maisip na makakuha ito ng gintong medalya dahil sa ito ang kaniyang unang pagkakataon na sumabak sa international competition.
Kasamang nakakuha ng gintong medalya si Alexsandra Ann Diaz mula sa Zamboanga City na dinomina ang Youth women’s 45 kg. snatch and total at pumangatlo sa clean and jerk.
Habang ang Cebuano na si Althea Bacaro ay nagbulsa ng isa pang gintong medalya sa snatch ng Youth women’s 40 kgs. category at nagwagi rin ito ng silver medal sa total at bronze sa clean and jerk.
Ang Zamboaguena na si Angeline Colonia naman ay nakapag-uwi ng silver medal sa snatch at bronze medals naman sa Junior women’s 45kgs. at pang-apat sa clean and jerk.
Sasabak naman ngayong araw ng Biyernes sina Rosalinda Faustino ng Zamboanga sa Junior women’s 49 kgs. ,Jhodie Peralta ng Youth/ Junior women’s 55 kg. at si Albert Ian Delos Santos sa Junior men’s 67 kgs.