-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na mahigpit na ipinagbabawal ng Pilipinas ang sapilitang paggawa at umaasa itong agad na matatapos ang negosasyon sa Estados Unidos kaugnay ng ipinataw na 12.5 porsiyentong taripa sa mga produktong Pilipino.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, patutunayan ng bansa na hindi nito nilalabag ang mga batas laban sa forced labor.

Sinabi ni Castro na nagpapatuloy ang pag-uusap ng Pilipinas at US Trade Representative, kung saan kabilang sa tinatalakay ang mga batas paggawa ng bansa at mga hakbang laban sa sapilitang paggawa.

Dagdag niya, may mga umiiral na batas ang Pilipinas na nagbabawal dito at may kaukulang parusa sa mga lumalabag.

Ipinataw ng administrasyong Trump ang karagdagang taripa sa mga inaangkat mula sa 60 ekonomiya, kabilang ang Pilipinas, dahil sa mga pangamba sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa mga produktong gawa sa pamamagitan ng sapilitang paggawa.