Posibleng lumahok ang Armed Forces of the Philippines sa Exercise Talisman Sabre sa pagitan ng Estados Unidos at Australia sa taong 2025.
Ito ay kasunod ng imbitasyon ni Australian Defense Forces chief of Joint Operations Lieutenant General Greg Bilton kay AFP Deputy Chief of Staff Lieutenant General Charlton Sean Gaerlan sa kaniyang pagbisita sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Dito ay nagpulong ang dalawang opisyal kung saan natalakay din nila ang isasagawang biennial joint military exercises ng Australia at Estados Unidos sa taong 2025.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief LCOL Enrico Gil Ileto, tinanong ni Bilton ang AFP kung ano ang mga ninanais nitong makamit upang maisama ito sa kanilang maikonsidera sa pagplano ng naturang pagsasanay.
Samantala, bukod sa mga pagsasanay ay tinalakay din ng dalawang opisyal ang nagpapatuloy na Exercise Alon 2023 na una nang nagsimula noong Agosto 14, 2023.
Kung maaalala, sa ginanap na iteration ng mga joint military exercises ngayong taong 2023 na nilahukan ng Fiji, France, Indonesia, Japan, the Republic of Korea, New Zealand, Papua New Guinea, Tonga, the United Kingdom, Canada, and Germany, ay nagsilbing observers dito ang Pilipinas, Singapore, at Thailand.