Pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibilidad ng pagpapalawig ng defense cooperation sa Germany.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Ass. Secretary Maria Elena Algabre, mayroon ng kasalukuyang defense cooperation agreement ang ating bansa sa Germany na nilagdaan noong 1974 subalit inisyal na nakapokus lamang ito sa pagsasanay ng ating sandatahang lakas kayat nais pa aniya ng bansa na mapalawig pa ito.
Ginawa ng DFA official ang pahayag bago pa man ang nakatakdang biyahe ni PBBM sa Germany at Czech Republic sa March 11 hanggang March 15.
Sa Czech Republic naman, pinag-aaralan ng bansa kung paano mapapalawig ang kooperasyon sa ilang mga larangan tulad ng defense.
Inihayag naman ni ASec. Algabre na kapwa may kaparehong values ang Germany, Czech Republic at Pilipinas pagdating sa demokrasiya, karapatang pantao, rule of law, pagtataguyod ng bukas at inklusibong international rules-based order.
Nakatakda naman aniyang talakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kaniyang pagbisita sa 2 bana kung paano magututlungan ang mga ito para mapanatili ang international rules-based order.
Kung mapapansin din aniya sa kamakailang insidente sa Ayungin shoal sa WPS, kapwa naglabas ng pahayag ang Ambassador ng Germany at Czech Republic sa kanilang pagkabahala sa nangyayari sa pinagaagwang karagatan at nagpahayag ng kanilang suporta para sa Pilipinas.