Iniulat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pumapangalawa ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa online sexual abuse at exploitation sa mga bata.
Sa naging pagdining sa panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa 2024, sinabi ni Assistant Sec. at Cybercrime Investigation and Coordinating Center Deputy Executive Director Mary Rose Magsaysay na ang tingin tuloy ng ibang tao sa buong mundo sa atin ay unethical sa internet.
Ayon naman kay DICT Ivan Uy, ang kahirapan ang siyang puno’t dulo ng problema at inamin din nito na kapos ang ahensiya ng technical equipment upang malabanan ang online sexual abuse at exploitation sa mga bata.
Sinusugan naman ito ni Magsaysay at sinabing kinakasangkapan ng mga magulang, kapatid o kapitbahay ang mga bata online upang kumita ng pera.
Sa panukalang pondo ng DICT para sa susunod na taon, umaapela ito na taasan pa ng P5.6 billion ang kanilang hinihiling na pondo na P8.729 billion na kailangan para sa pondo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Para mabawasan ang mga kaso ng child exploitation online, pinalutang ni Senator Ronald dela Rosa ang ideya na i-block ang ilang online platforms subalit sinabi naman ni DICT Sec. Uy na kailangan ng bansa ng batas upang maisakatuparan ito.