-- Advertisements --
image 236

Napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 ranking sa taunang anti-human trafficking report ng Amerika sa loob ng walong magkakasunod na taon.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang paggawad ng Tier 1 ranking sa Pilipinas sa 2023 Trafficking in Persons Report ay nagpapabuti sa pananaw ng ibang bansa sa Pilipinas pagdating sa pagtugon sa problema sa human exploitation.

Saad pa ni DMW Secretary Susan Ople na ito ay isa ring source of comfort para sa mga nais na mag-reach out sa ating bansa.

Aniya, magiging kumpiyansa ang first world countries sa pakikitungo sa ating bansa dahil alam nilang hindi itotolerate ang sinumang shenanigans na maaaring humantong sa exploitation ng mga kababayan nating migrant workers.

Subalit sa kabila nito, ipinunto naman ng US State Depertment na ang nakuhang mataas na rangko ng Pilipinas ay hindi nangangahulugan na walang problema ng human trafficking sa bansa.

Nagpapakita lamang aniya ito na mayroong ginagawang mga hakbang ang mga awtoridad upang matugunan ang naturang isyu upang maabot ang minimum standards ng US Trafficking Victims Protection Act of 2000.

Ipinagmalaki naman ni Sec. Ople na tanging ang Pilipinas at Singapore lamang sa buong ASEAN countries ang nakapasok sa Tier 1 ranking.

Nagpapakita aniya ito ng matibay na pangako at patuloy na paggampan ng tungkulin ng gobyerno ng Pilipinas, civil society at lahat ng partners ng bansa para matugunan ang isyu sa human trafficking.