Tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas ang mga aksyon upang matugunan ang target ng Sendai Framework para sa Disaster Risk Reduction (SFDRR) 2015-2030 bilang suporta sa pandaigdigang hakbang na ‘bawasan ang panganib sa sakuna at pagaanin ang mga epekto ng climate change.
Ang Sendai Framework ay nagbibigay sa mga member state ng mga kongkretong aksyon upang magprotekta mula sa panganib ng mga sakuna.
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na ang responsibilidad ay dapat ibahagi sa iba pang stakeholder, kabilang ang mga local government units (LGUs).
Aniya, ang mga pamahalaan at estado ay dapat magtulungan at kumilos upang matugunan ang panganib sa sakuna at mga issue sa climate change.
Sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ni Abalos na inilunsad ng bansa ang Sendai Framework Monitoring noong Marso 2018 upang subaybayan ang progreso ng pagpapatupad ng mga target at priyoridad ng Sendai Framework.
Ang isang Technical Working Group ay nilikha din, kung saan ang DILG ay isang miyembro, upang tugunan ang mga data gaps at magmungkahi ng mga hakbang upang i-streamline ang magagamit na data para sa pag-uulat ng nasabing framework.
Sa panig ng DILG, ipinunto ni Abalos na patuloy na bibigyan ng departamento ang mga LGU ng capacity development interventions upang palakasin ang kanilang pagpapatupad ng mga polisiya at plano para sa Disaster Risk Reduction and Management.