Nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamabagal na inflation rate o pagtaas sa pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo sa bansa noong buwan ng Mayo makalipas ang halos anim na taon o mula noong November 2019.
Sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Huwebes, Hunyo 5, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) Undersecretary at National Statistician Dennis Mapa humupa ang inflation sa nakalipas na buwan sa 1.3%.
Ito ay mas mabagal mula sa 1.4% na naitala noong Abril ng kasalukuyang taon, at 3.9% noong Mayo 2024. Nagdala naman ito sa average inflation sa unang limang buwan ng 2025 sa 1.9%.
Paliwanag ng PSA chief na ang mas mabagal na inflation ay bunsod ng mas mabagal na pagtaas ng mga halaga ng pabahay, tubig, elektrisidad at iba pang presyo ng langis na bumagal sa 2.3%.
Nakaambag din sa pagbaba ng inflation ay ang mas mabagal na pagtaas ng halaga ng mga serbisyo sa restaurant at accommodation na nasa 2% noong Mayo.
Pagdating naman sa food inflation, nananatili itong nasa 0.7% noong Mayo, malaki naman ang ibinaba nito mula sa 6.1% na naitala noong Mayo ng nakalipas na taon.
Samantala, ayon sa PSA, pasok pa rin ang inflation rate noong Mayo sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) mula 0.9% hanggang 1.7%.
Target naman ng economic managers ng Marcos administration na mapanatili ang inflation sa 2% hanggang 4% ngayong taon.