-- Advertisements --

Sumigla pa ang sektor ng turismo sa bansa kung saan nasa kabuuang 1.1 million foreign tourist na ang bumisita simula ng buksan ang borders ng ating bansa noong Pebrero ng kasalukuyang taon.

Ayon sa latest data mula sa Department of Tourism (DOT) noong August 7, nalagpasan ang full-year arrivals noong 2021 nang nakasara pa ang borders ng bansa para sa mga turista mula sa ibang bansa na nakapagtala lamang ng 163,879 banyagang turista.

Nangako naman ang DOT ng pagpapabuti pa ng overall experience para sa mga travelers sa pamamagitan ng digitalization at pakikipagtulungan sa relevant offices nito para mapaganda pa lalo ang mga tourism infrastructure upang maipagpatuloy ang momentum na ito.

Nauna ng sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco sa isinagawang tourism summit sa Cebu na tinatayang aabutin ng tatlong taon para makabangon ang sektor , mabawi ang nawala at makabalik sa pre-pandemic level.

Ang sektor ng turismo ay 12.7% ang kontribusyon sa kabuuang ekonomiya ng bansa bago tumama ang pandemiya na bumaba sa 5.1% noong taong 2020 at 5.2% naman noong nakalipas na taon.