-- Advertisements --
image 298

Binigyang diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mas handa na ang bansa kung sakaling magkaroon ng malakas na lindol, tulad ng nangyari sa Morocco na ikinamatay ng libu-libong tao.

Sinabi ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol, sa pagtaya niya, mas handa na ang Pilipinas ngayon sa mga posibleng maganap na lindol kumpara noong 20 o 30 taon na ang nakalilipas.

Iniugnay niya ang dahilan ng naturang paghahanda sa mga nationwide earthquake drill na sinimulan ng gobyerno.

Aniya, isa sa mga dahilan dito ay ang quarterly earthquake drill na ginagawa ng NDRRMC.

Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang publiko na maging handa anumang oras sa mga pagtugon sa anumang kalamidad na tumatama sa ating bansa.

Kaugnay niyan, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong naiulat na nasaktan o namatay kasunod ng malakas na lindol sa Morocco.

Ayon sa mga awtoridad, wala pa namang Pilipino ang nagpahayag ng intensyon na mapauwi pabalik sa Pilipinas.

Top