Pumapangalawa ang Pilipinas sa madalas na tinatarget na bansa ng crypto phishing sa Southeast Asia ayon sa report ng cybersecurity firm na Kaspersky.
Sa inilabas na data ng kompaniya, lumalabas na tumaas sa 169.93% o 24,737 ang nadetect na crypto phishing attacks sa bansa sa nakalipas na taon.
Nangunguna naman ang Vietnam na nakapagdetect ng 64,080 attacks.
Ayon sa kompaniya, nag-switch na ang cybercriminals sa crypto industry kung saan umaabot sa average na 400,000 bagong malicious files kada araw ang naiuulat na tumaas ng 20,000 files kada araw kumpara noong 2021.
Ilan aniya sa bagong taktika ng mga ito ay tinatarget ang cryptowallets o accounts ng sikat na online gaming platforms sa pamamagitan ng stalkerware na nagbibigay ng pagkakataon sa perpetrators na sekretong makapag-ispiya sa mobile device ng ibang indibidwal.
Paliwanag ni Kaspersky manager director for Asia Pacific Adrian Hia, ito ay bunsod na rin ng maluwag na access sa cryptocurrency sa ating bansa.
Ito ay matapos na payagan ng central bank ng Pilipinas ang Philippine market na maging crypto market tulad ng maraming mga bansa.