MANILA – Naka-depende raw sa desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung papayagang matuloy ang hosting ng Pilipinas sa FIBA qualifiers ngayong taon.

Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) matapos ianunsyo ng International Basketball Federation (FIBA) na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) muli ang host ngayong buwan ng tournament.

-- Advertisement --

“Antayin natin and this is an IATF decision to make kung papayagan ‘yan.”

Wala pang inilalabas na petsa ang FIBA kung kailan magaganap ang qualifier games, pero inaasahang dadating ang basketball players ng ilang kasaling bansa.

“Fixing the dates of the ‘windows to be created’ under this unexpected and unordinary situation will still need about 10 days to be finalized,” ani FIBA Asia executive director Hagop Khajirian.

Sa ngayon hindi pa raw nakikita ng DOH ang sinasabing protocol para maging katulad ng “PBA bubble” ang set up ng FIBA qualifiers.

Una nang naglabas ng joint administrative order ang Health department at Philippine Sports Comission (PSC) nang payagang magbalik laro ang Philippine Basketball Association (PBA).

“May mga nilagay tayo diyang safeguards para sa health protocols na dapat ipatupad.”

Kung maaalala, nakiusap ang SBP na huwag munang ganapin sa bansa ang February window ng Group A at C ng qualifiers matapos magpatupad ng travel ban ang gobyerno dahil sa UK variant.

Wala pang pahayag ang Malacanang tungkol sa pagkakapili muli sa bansa na mag-host ng FIBA qualifiers sa kabila ng dumadaming kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.