Wala pa raw nakikitang basehan ang Department of Health (DOH) para sabihing naabot na ng Pilipinas ang peak ng mga kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque sa isang panayam na “premature” pa na maituturing ang spike ng COVID-19 cases nitong nakalipas na mga araw.
Kailangan daw kasi ng sapat na epidemiological data lalo na’t ngayon pa lang nagsisimulang bumuhos ang testing dahil sa mga bagong dating na test kits.
Para sa kalihim, obserbahan muna ang susunod na apat hanggang limang araw bago makapag-establish ng malinaw na trend.
Noong March 31 naitala ang 538 positive cases na siyang pinakamataas na bilang ng recorded case ng COVID-19 sa loob ng isang araw.
Nitong April 3 naman nakapagtala ng pinakamaraming reported deaths na 29 sa loob ng isang araw.
Pero paglilinaw ng DOH noon, ang naturang bilang ng mga namatay ay bunsod ng late reporting ng mga kaso.
Batay sa data ng Health department, may walong ospital at pasilidad ang naka-full scale implementation ng COVID-19 testing.
Lima naman ang nasa stage 4 pa ng accreditation. Ibig sabihin, maaari na tumanggap ng testing ang mga pasilidad na ito pero kailangan nilang makapagsubmit ng limang positive samples sa RITM.
Nasa higit 30 pang ospital at health facility ang nasa mababang level pa ng accreditation para rin makapaghawak ng test sa COVID-19.