MANILA – Tinatalakay na rin daw ng mga eksperto sa Pilipinas ang ulat ng blood clotting o pamumuo ng dugo sa mga nabakunahan ng COVID-19 vaccine na gawa ng Janssen Pharmaceuticals, na nasa ilalim ng kompanyang Johnson & Johnson.
“Kasama yan sa pinag-uusapan ng mga expert natin,” ani FDA director general Eric Domingo sa Laging Handa briefing.
Paliwanag ng opisyal gawa rin sa adenovirus ang COVID-19 vaccine ng Janssen. Kapareho nito ang teknolohiya ng bakuna ng AstraZeneca, kaya naman daw hindi imposibleng may nakaranas din ng blood clotting sa mga nabakunahan nito.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang clinical trials sa Pilipinas ng Janssen at wala pang inilalabas ng interim o paunang resulta.
“Itong EUA na nakuha nila sa Europa, Amerika, at WHO based on yung mga nauna nilang clinical trial sa ibang bansa at isinumite sa atin. (The fact na) pumasa siya sa US, WHO ibig sabihin the benefit of using the vaccine mas matimbang than the harm.
Mayroon aplikasyon ang Janssen para sa emergency use authorization ng kanilang bakuna sa Pilipinas.
Ayon kay Domingo, maglalabas ng guidelines ang ahensya kapag natapos na ang ginagawang evaluation at kung magagawaran ang naturang bakuna ng EUA.
“Kung matapos man ang evaluation at magkaroon ng recommendation, of course magkakaroon ng recommendations on how to guide vaccinators and vaccinees to such event at ano ang gagawin.”
Posible raw na maglabas ng rekomendasyon ang DOST-Vaccine Expert Panel bukas tungkol sa paggamit ng bakuna ng Janssen.