Tumuntong na sa 35,455 ang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas, batay sa pinakabagong data ng Department of Health (DOH).
Ayon sa case bulletin ng ahensya, 654 ang kabuuang bilang ng mga bagong kaso ng sakit na naitala ngayong araw, June 28.
Mula sa nasabing bilang, 485 ang fresh cases. Binubuo ito ng 245 mula National Capital Region (NCR), 120 mula Central Visayas, 112 na galing sa iba’t-ibang rehiyon, at walo mula sa mga repatriates.
Ang mga late cases naman ay umabot sa 168. Binubuo ang bilang na ito ng: 111 galing sa NCR, 25 sa ibang rehiyon, 21 sa mga repatriates, at 11 sa Region 7.
Sa recoveries, may 258 na bagong gumaling kaya ang total ay nasa 9,686.
Samanatalang ang total deaths ay umakyat pa sa 1,244 bunsod ng walong bagong namatay.
Ayon sa DOH, lima mula sa walong bagong death cases ang namatay sa pagitan ng mga petsang June 13 hanggang 22.
May dalawang kaso rin daw na tinanggal sa total recoveries, at isang duplicate mula sa total case count.
“The total cases reported may be subject to change as these numbers undergo constant cleaning and validation.”
















