MANILA – Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) na natapos na ang clinical trial sa Pilipinas ng single-dose COVID-19 vaccine na gawa ng kompanyang Janssen Pharmaceuticals ng Johnson & Johnson.
Ayon kay DOST Sec. Fortunato de la Peña, nakatakda nang magsimula ang data analysis ng kompanya matapos ang actual trial na kanilang ginawa.
“Yung Janssen ang pagkakaalam natin ay tapos na yung actual trial, so sila ay magsisimula na sila sa kanilang data analysis,” sinabi ng kalihim sa Laging Handa briefing.
Bukod sa Belgium-based company, nagsisimula na rin daw sa actual trial at recruitment ng kanilang COVID-19 vaccine sa bansa ang Clover Biopharmaceutical ng China at Australia.
Samantala hindi pa nagsisimula ang Sinovac sa kanilang trial matapos na unang gawaran ng emergency use authorization.
Hinihintay din daw ng Chinese company kung makakasali ang kanilang bakuna sa Solidarity Trial ng World Health Organization.
“Yung Sinovac kasi mula nang maaprubahan yung EUA nila, itinigil nila yung pag-pursue ng clinical trials although nakikipagusap pa rin sila sa possibility.”
“Baka hindi na sila tumuloy kung isama ng WHO ang Sinovac sa clinical trials.”
Sa ngayon may dalawang ibang kompanya pa raw na mula India at South Korea ang naghain ng aplikasyon para makapagsagawa ng kanilang clinical trial ng kanilang bakuna dito sa Pilipinas.