-- Advertisements --

Binigyang diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na isinasaalang-alang ng gobyerno ang lahat ng mga aksyon na magagamit sa United Nations upang matugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Ayon kay Bersamin, hindi nila pinababayaan ang anuman sa nasabing usapin dahil bahagi din iyon ng kanilang diplomatic tact, na dinadala ito sa atensyon ng United Nations General Assembly o ng Security Council.

Aniya, ang lahat ng mga option at mungkahi ay bukas sa kanila.

Kung matatandaan, nanatiling tahimik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang isyu sa kanyang ikalawang state of the nation address, kabilang ang ilang naiulat na pagkakataon ng panliligalig ng Chinese Coast Guard laban sa mga Pilipino sa pinagtatalunang karagatan.

Sa kanyang talumpati, ipinangako ng pangulo na ipagtatanggol ang soberanya ng bansa, ngunit hindi partikular na binaggit ang mga pananalakay na ginawa ng Beijing at ang patuloy nitong pagtanggi sa 2016 The Hague ruling.

Bagama’t hindi binanggit ang West Philippine Sea, sinabi ni Bersamin na nananatiling matatag si Marcos sa kanyang pangako na hindi niya isusuko ang anumang pulgada ng ating teritoryo o soberanya sa anumang dayuhang kapangyarihan ngunit pananatilihin ang diplomasya sa proseso nito.

Sinabi rin ng executive secretary na nagkaroon ng closed door meetings para talakayin ang mga bagay na nabanggit.

Iginiit ni Bersamin na kung dadalhin ang isyu sa United Nations General Assembly o UN Security Council, ang pinakamaraming makukuha ng Pilipinas ay isang resolusyon, na maaaring hindi pa rin pansinin ng China.