-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinayuhan ni dating National Security Adviser Professor Clarita Carlos ang pambansang pamahalaan na dapat pagyabungin ang unang napagkasunduan ng dalawang coast guard forces ng Pilipinas at China patungkol sa usapin ng West Philippine Sea island claims.

Ito ang reaksyon ni Carlos sa ginawa na pagharang at pag-water canon ng Chinese Coast Guard sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na magre-supply mission lang sana sa mga sundalo na naka-deploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong nakaraang linggo.

Sinabi ng batikang propesor na dapat hindi titigil ang dalawang bansa paghahanap ng mas epektibong paraan upang maiwasan ang pagtatapan ng puwersa sa pinag-aagawang teritoryo.

Nagbigay rin ito ng suhestiyon na kung maari ay itatalaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr si dating Presidente Rodrigo ‘Digong’ Duterte na Philippine special envoy to China dahil siya ang mayroong mas malawak na access upang makausap si Chinese President Xi Jinping.

Kung maalala,umani ng magkaibang reaksyon ang pagdalaw ni Duterte kay Xi kung saan pina-imbita ito ni Marcos sa Malakanyang para alamin ang mga usapin na natalakay sa kanyang China visit.