Tiniyak ng Philippine Army ang kanilang kahandaan na protektahan ang buong teritoryo ng Pilipinas laban sa mga magbabalak na manghimasok sa ating bansa.
Ito ay matapos ang naging panawagan ng Armed Forces of the Philippines sa gobyerno ng China na napapanahon nang pigilan nito ang kanilang puwersa upang hindi na maulit pa ang ginawang provocative act ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard.
Ayon kay Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., bago pa man aniya ang naging panawagan na ito ng AFP ay nakahanda na ang kanilang hukbo laban sa mga posibleng panghihimasok ng sinuman sa teritoryo ng ating bansa.
Sa katunayan pa aniya nito ay nagsisimula na rin daw ang PH Army sa kanilang transition mula sa internal security operations patungong territorial defense.
Bukod dito ay naniniwala rin aniya siya, at gayundin ang international army sa iba’t-ibang panig ng mundo na sakaling magkaroon man ng digmaan ay kalauna’y mangyayari pa rin ang labanan nito sa kalupaan na isa sa mga dahilan kung bakit kinakailangan nilang palaging maging handa sa lahat ng oras.
“The Philippine Army can asure you that if any invaders would come near the land of the Philippines or inside our teritory, your Philippine Army is ready to defend our nation.” ani Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr.
Kung maaalala, February 6, 2023 iniulat ng PCG na tinutukan ng Chinese coast guard ng military-grade laser light ang BRP Malapascua malapit sa katubigan ng Ayungin Shoal na nagdulot ng pansamantalang pagkabulag ng ating mga coast guard bagay na mariing kinondena ng AFP at Department of National Defense, at gayundin ng iba pang mga bansa tulad ng Estados Unidos at Japan.