-- Advertisements --
PHILIPPINE ARMY SPOX COL XERXES TRINIDAD

Ipinahayag ng Philippine Army na nakahanda pa rin sila na magdeploy ng dagdag na tropa sa bansang Turkey para tumulong sa disaster response sa mga biktima ng malakas na lindol doon.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagtugon ng Pilipinas sa naging panawagan ng Embahada ng Republika ng Turkey sa Maynila para sa dagdag na assistance para sa mga naapektuhan ng pagyanig ng magnitude 7.8 na lindol.

Kung maaalala kagabi lamang ay lumipad ang inter-agency search and rescue team ng Pilipinas patungo sa nasabing bansa upang magpaabot ng humanitarian, medical, at disaster response assistance doon sa loob ng dalawang linggo.

Ngunit sinabi ni Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sila ay handang magpadala ng dagdag na tropa sa naturang lugar sakaling kailanganing ma-extend pa ang ginagawang rescue mission ng mga kinauukulan doon.

“We will be determine kung ano pa po yung maipapadala pa natin [tulong] no. But definitely we still have enough teams for this kind of activities [disaster response at search and rescue operations] but of course ang atin jan ay yung immediate response natin dun at aalamin kung ano po yung task na maitutulong natin doon.” ani Trinidad.

“…There are provisions for contingencies, however itong ating immediate response for two weeks ay maa-assess naman natin yan sa pakikipag-ugnayan natin sa mismong bansa. They have their own search and rescue at tayo rin naman ay handang tumugon kung kinakailangan…”

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng opisyal na sa kabila ng lahat ng ito ay hindi pa rin naman maaapektuhan ang operasyon ng buong Philippine Army pagdating sa pagtugon sa mga disaster response sa bansa dahil isang portion lang naman aniya ang kanilang hukbo ang ipinadala sa Turkey at marami pa rin naman daw reserba ang nandito sa Pilipinas.

“Yung pinadala natin dito is just a platoon size, yung naiwan po dito is the entire battalion.. so nagpadala lang po tayo doon na makakatulong sa panawagan sa atin ng Turkey at rest assured po na mayroon tayong nakaalalay dito sa ating bansa na tumugon sa ating disaster calamity sa ating bansa.” dagdag pa niya.

Matatandaang binubuo ng 85 indibidwal mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa Turkey para tumulong sa disaster response, search and retrieval operations, at medical mission sa nasabing bansa.

Alinsunod pa rin ito sa naging habilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agad na magpadala ng tulong sa nasabing bansa na niyanig ng malakas na 7.8 magnitude na lindol.