Inamin ng pamunuan ng pangunahing COVID-19 referral hospital sa bansa na Philippine General Hospital (PGH), na maging sila ay kagaya rin ng ibang pagamutan na nag-uumapaw na sa dami ang mga pasyente.
Ayon kay PGH Spokesman Dr. Jonas del Rosario sa panayam ng Bombo Radyo, ang maximum capacity nila na 250 ay nalagpasan na ng actual na nasa kanilang pasilidad.
Umaabot na ngayon sa 265 ang kanilang pinangangalagaang pasyente na may COVID.
“Ito na po ang pinakamataas nating bilang na na-admit. Nagsimula po ito nang lumitaw ang delta variant, na sinasabi ngang mabilis makahawa,” wika ni Del Rosario.
Samantala, nagbigay rin ng tips ang COVID survivor na si Del Rosario para sa mga pasyenteng hindi na talaga ma-admit sa mga pagamutan.
Aniya, mahalagang uminom ng vitamins, masustansyang pagkain at mag-isolate.
Para naman sa malinaw na gabay, naglunsad umano sila ng PGH TeleGabay, para maalalayan ang mga dumaranas ng COVID na nasa kanilang mga bahay.
“Kung wala na po talagang available na ospital sa malapit at “mild” naman ang kondisyon ng pasyente, maaari po nilang gamitin ang PGH TeleGabay para ma-“guide” sila ng aming mga doktor, kahit sila ay nasa bahay lamang,” dagdag pa ni Del rosario.