-- Advertisements --

Naniniwala si bagong Philippine National Police Chief Police General Rommel Francisco Marbil na hindi na kinakailangan pa na magsagawa ng internal cleansing sa pulisya.

Ito ay sa kabila ng rekomendasyon ni dating Philippine National Police chief at ngayo’y Senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa na ipagpatuloy ang programa at magsagawa ng ‘internal cleansing’ o paglilinis ng nasabing organisasyon mula sa mga katiwalian upang mas mapataas pa ang tiwala sa kanila ng publiko.

Ayon kay Marbil, wala nang dapat baguhin sa kapulisan at ang tanging kailangan lamang ay alamin ang direksyon at magmungkahi ng mas mahusay na mga pamantayan na dapat sundin ng mga ito.

“We go for, yung leadership by example, we start from the top so dapat ito hindi nagkakamali and rest will follow, you know wala na kami dapat ibago, ang kailangan namin ano ba ‘yung direksyon namin at kung nawala ka, then out. There is no forgiveness,” ani Marbil.

“Ang kailangan po natin hindi internal cleansing, we just come up with a better parameters, better measurements for our policemen na dapat ito ang standard na hahabulin ninyo.”

Bukod dito, naniniwala rin si Marbil na hindi na rin kinakailangan pa ng malawakang balasahan sa bawat miyembro dahil posible lamang itong nag resulta ng pagiging unstable sa mga unit ng Philippine National Police.

“Wala namang kasalanan iyong mga pulis natin to reshuffle, lahat naman ito, ang ginagawa namin we will becoming with the better parameter for them to be measure at kung hindi mo kaya ito, then we will give you a chance to improve at kung hindi mo talaga kaya, we will get a better commander,” giit ni Marbil.

Samantala, kumpyansa naman si Marbil na tuwid at mahuhusay ang bawat miyembro ng kapulisan sa buong bansa kung kaya’t tiwala siya na kaya niyang pamunuan ang mga ito bilang bagong itinalagang hepe ng pambansang pulisya.