Inaayos na sa ngayon ng liderato ng Kamara ang petsa kung kailan idaraos ang special session para talakayin at aprubahan ang ilan sa mga mahahalagang hakbang laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano matapos sabihin kahapon ni Sen. Bong Go na may direktiba na si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagdaraos ng Senado at Kamara nang special session sa gitna ng Lenten break ng Kongreso.
Ayon kay Cayetano, wala pa silang napipiling petsa kung kailan idaos ang special session subalit tiniyak naman ang kanilang kahandaan para rito.
Bago ang kanilang Lenten break na nagsimula noong nakaraang linggo, bigong maipasa ng Kongreso ang P1.65 billion supplemental budget para gamitin sa laban kontra COVID-19.
Kaya isa ito sa mga nakatakdang talakayin at aprubahan sa isasagawang special session, bukod pa sa iba pang mga usapin hinggil naman sa epekto sa kalusugan ng taumbayan, ekonomiya at sa kung paaano makakabangon ang bansa pagkatapos ng public health crisis na ito.
Samantala, para sa mga kongresistang hindi makadalo sa special session, sinabi ni Cayetano na magpapatupad sila special arrangement upang sa gayon ay makibahagi pa rin ang mga ito sa proseso.