Dahil sa pagiging moot at academic, tuluyan nang ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petition for mandamus na inihain laban sa ginamit na source code ng Commission on Elections (Comelec) sa nakalipas na halalan.
Base sa 30 pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Andres Reyes Jr., maliban sa moot and academic ang petisyon, ibinasura rin ng Korte Suprema ang petiton for mandamus dahil sa kawalang ng sapat na merito.
Kaugnay ito ng hirit ng mga petitioner na obligain ang Comelec na gumamit ng digital signatures sa mga electronic elections returns at maglagay ng mga basic security safeguards gaya ng source code review, vote verification at random audit.
Ibinasura rin ng SC ang indirect contempt charge laban kay dating Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr.
Sinabi ng mga petitioner na nabigo kasi Brillantes na makasunod sa pangako nito sa SC na gagawing available ang source code para sa review.
Pero ayon sa SC, ang ipinangako lamang ni Brillantes ay ang pagpayag nito at ng Comelec na ma-review kung makakasunod ang mga partido dito sa lahat ng requirements.
Binigyang bigat ng SC ang Comelec Resolution No. 10423 noong September 21, 2018 na nagsasabing nagkaroon ng modification sa qualifications sa source code review para sa 2019 elections.
Paliwanag ng SC, dahil sa promulgation ng iba pang mga Comelec resolutions tinatanggal na nito ang kontrobersiya sa consolidated petitions.
Ang petisyon ay inihain ng Bagumbayan VNP movement Inc., Sen. Richard Gordon, Tanggulang Demokrasya at iba pang petitioners.