Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na ilabas ang mga impormasyon ng tunay na kalagayan ng kalusugan at kaisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte mula nang umupo itong pangulo ng bansa.
Sa 70-pahinang desisyon ng Supreme Court (SC), ipinunto ng mga mahistrado na walang merito ang urgent petition for mandamus ng petitioner na si Atty. Dino de Leion.
Bigo raw ang mga petitioner na mapatunayang dapat siyang panigan ng Korte Suprema para pagbigyan ang kanyang hirit.
Maliban dito, hindi rin umano napatunayan ng petitioner na may obligasyon ang pangulo na ilabas ang kanyang kalagayan sa kanyang kalusugan.
Noong Abril 13, 2020 nang hilingin ng abogado na atasan ang korteng ilabas ang medical records ng pangulo sa pamamagitan ng Office of the President, o ng executive secretary.
Hiniling din na masailalim sa psychiatric tests ang pangulo para makumpira ang mga impormasyon ng kanyang medical records at maberipika na kaya pa niyang pamunuan ang bansa.
Ginawa ng abogado ang paghahain ng petisyon matapos maobserbahan ang pangulo ng kanyang madalas na pag-absent sa mga pulong at pagliban sa kanyang mga pag-uulat sa publiko ng kalagayan ng bansa sa gitna ng kinakaharap na health crisis dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon pa sa petisyon, nakitaan din sa mga pahayag at kilos ng pangulo ang hindi akmang pagharap nito sa sitwasyon na naobserbahan din sa kanyang mga pagharap sa telebisyon tulad ng una nitong pag-uulat sa pagpapairal ng Republic Act No. 11469 (2020) “Bayanihan to Heal as One Act” at masyado na itong naantala.