Nauunawaan ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTR) ang sentimyento ng mga operator at driver ng mga pampublikong jeepney sa matinding epekto sa kanila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, dahilan para sila humirit ng surge fee.
Sinabi ni Transportation Sec. Jaime Bautista na maituturing namang logical ang petisyong ito ng mga grupo ng driver ng jeep.
Ayon kay Bautista, valid naman ang dahilan ng mga driver.
Gayunpaman, sinabi ni Bautista na pag-aaralan pang mabuti ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inihaing petisyon ng ilang jeepney group.
Kailangan umanong balansehin ang sitwasyon at makapagpalabas ng katanggap tanggap na desisyon hinggil dito kapwa para sa mga driver ng jeep at sa mga pasahero.
Sa panig ng board, sinabi nilang isang test case ito dahil kauna unahang pagkakataon na may ganitong uri ng petisyon na inihain sa kanila para sa sektor ng jeepney na wala namang mga app para sa paniningil ng surge fee.