Naghain ang Office of the Solicitor General sa Court of Appeals ng petisyon laban sa pag-abswelto kay dating Senador Leila De Lima sa isa sa kaniyang drug case.
Kinumpirma naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na naghain sila ng petition for certiorari laban sa naging desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 na ibasura ang ikalawang kaso ni De Lima.
Sa panig naman ni Atty. Filibon Tacardon, legal counsel ni De Lima, depensa nito na hindi na umano maaaring iapela ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang acquittal ng dating Senadora.
Subalit paliwanag ng Korte Suprema na bilang general rule, maaaring hamunin ang naging hatol na nagpapawalang sala sa nasasakdal sa pamamagitan ng Petition for Certiorari sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court.
Matatandaan, unang naabswelto si De Lima noong Pebrero 2021 nang ibasura ng Muntinlupa City RTC Branch 205 ang isa sa kaniyang 3 kaso.
Noon namang Mayo 12, pinawalang-sala ng Muntinlupa court sa kasong illegal drug trading sina De Lima at ang kanyang kapwa akusado at dating bodyguard na si Ronnie Dayan.
Si De Lima ay nakakulong sa Camp Crame mula noong Pebrero 2017 dahil sa mga alegasyon sa droga subalit makailang ulit niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kanya.