-- Advertisements --
image 25

Natukoy na ng Special Investigation Task Group ang person of interest sa pananambang sa radio broadcaster na si Cris Bonduquin sa Oriental Mindoro.

Ayon kay SITG Bonduqiun head PCOL Samuel Delorino, ito ay batay sa mga ebidensya at impormasyong nakalap ng mga otoridad hinggil sa nasabing kaso.

Aniya, magbabase ang naturang task group sa magiging salaysay ng dalawang testigo sa naturang krimen upang kumpirmahin kung ang tinutukoy nilang indibidwal ay ang itinuturing na person of interest ng pulisya.

Sa oras aniya na ito ay magpositibo ay agad na kikilos ang mga otoridad at tiwala silang mare-resolba ang kasong ito sa pamamagitan ng agad na paghahain ng mga kaukulang kaso sa korte.

Sa ngayon ay mayroong dalawang anggulong tinitignan ang pulisya hinggil sa posibleng motibo ng naturang krimen kabilang na ang personal grudge at ang kaniyang trabaho bilang isang mamamahayag.

Kaugnay nito ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang manhunt operation para tugisin ang nakatakas na gunman matapos na mapatay din ang driver ng motorsiklo ng riding in tandem nang mabangga ito ng kotse ng humabol na anak ng biktima.