COTABATO CITY – Nakaburol na ngayon sa city hall o People’s Palace sa Cotabato City ang labi ni City Public Safety Officer retired Brig. Gen. Rolen Balquin.
Patuloy ang pagbuhos ng pakikiramay sa itinuturing na isang mabait at tahimik ngunit magaling na opisyal ng lungsod ng Cotabato.
Nanawagan ngayon ng agarang hustisya ang pamilya mga kasamahan sa trabaho at mga kaibigan ni Gen. Balquin.
Si Balquin ay nagmula sa PNPA Class 87 at huling nadestino bilang City PNP director ng siyudad ng Cotabato bago nagretiro noong 2017.
Dahil sa magandang serbisyo, muli itong nagtrabaho sa city government bilang hepe ng Public Safety Office.
Naging malaking bahagi si Balquin sa mga programa ng city government sa pagpapanatili ang katiwasayan sa lungsod bukod pa sa ‘di matawarang serbisyo nito sa panahon ng pandemya.
Sa ngayon ay may mga person of interest na tinutukan ang Special Investigation Task Group Balquin sa kaso sa pagpatay sa opisyal at pagkasugat ng kanyang driver na si CMS Ariel Gutang.










