Epektibo ngayong araw kanselado  nana ang lahat ng mga Permits to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) at License to Own and Possess Firearms na inisyu ng PNP sa Iloilo kina 1st District Rep. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin.

Ang pagkansela ng PTCFOR at LTOPF ng mga Garin ay isang administrative sanction dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa kasong criminal dahil sa paggamit ng armas.

Sa isang statement, ipinaliwanag ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na alinsunod sa Section 39 ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, may kapangyarihan ang PNP chief na kanselahin ang mga permit at lisensya ng baril ng mga taong gumamit ng baril sa isang krimen.

Ang congressman at alkalde ay nakatakdang sampahan ng kasong kriminal na Physical Injuries, Assault Upon a Person in Authority, Alarm and Scandal, Grave Coercion at Grave Threats ni PO3 Federico Macaya Jr. dahil sa insidente.

Batay sa records ng PNP si Congressman Garin ang rehistradong may-ari ng 11 firearms, kung saan ang tatlo ay expired na ang lisensya, habang si Mayor Garin ay may nakarehistrong walong firearms, kung saan lima ang paso na ang lisensya.

Kasunod ng pagkansela ng permit at lisensya ng mga baril ng mag-amang Garin, ipinag-utos ni Albayalde ang agarang pagkumpiska sa mga armas ng mga ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo, nanawagan si Albayalde sa mga Garin na isuko na lamang ang lahat na hawak nilang armas at huwag ng antayin pa na magsagawa ng raid ang pulisya.