Kinukunsidera ni Philippine National Police Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang pagtatalaga ng permanenteng Police Attaché sa Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates.
Ito ang isa sa mga napag-usapan sa pakikipagpulong ni Gen. Azurin kay Philippine Ambassador to the UAE Alfonso Ver kahapon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan, naging produktibo ang paguusap ng dalawang opisyal kung saan napagusapan ang mga hakbang para pangalagaan ang karapatan ng mga Pilipinong manggagawa sa naturang bansa.
Kasama sa mga tinalakay ang “safety concerns” ng Filipino Community sa UAE, kabilang ang trafficking in person, at human smuggling.
Ayon sa PNP Chief, sa pamamagitan ng direktang pakikipagugnayan ng mga Police Attaché sa mga dayuhang law enforcement agencies, makakatulong sila sa pagsugpo ng mga krimen na nakaapekto sa magkabilang bansa, at mas-mapapangalagaan ang kaligtasan ng mga Filipino citizens.
Si Gen. Azurin ay nasa Abu Dhabi, UAE para dumalo sa 24th Asian Regional Conference ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) General Secretariat.