Ipinagmalaki ni Senate President Tito Sotto ang umaabot sa 14 na panukalang batas mula sa kanilang panig ang naisabatas mula nang magbukas ang 18th Congress noong Hulyo nang taong 2019.

Base sa Senate legislative bill and index service data, halos 2,000 panukalang batas ang naihain.

Kabilang sa mga panukalang naging ganap na batas mula Hulyo 22, 2019 hanggang Disyembre 16, 2020 ay ang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan SK Elections, Anti-Terrorism Act, Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) at ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) law.

Magugunitang naisabatas din ang Malasakit Centers Act, Salary Standardization Law of 2019, excise tax on alcohol products, national day of remembrance for road crash victims, National Academy of Sports act, GMRC and Values Education Act at iba pa.

Sa kasalukuyan, mayroon pang apat na panukala ang nakaabang na lang para sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging ganap na ring batas.

Kabilang na rito ang Organic Agriculture Act, Alternative Learning System Act, doktor para sa Bayan Act at ang panukalang batas na layong bigyan ng otoridad ang pangulo na bilisan ang proseso ng paglalabas ng mga permit, lalo na sa mahahalagang proyekto.