Idadaan muna sa all senators caucus ang mga isyung may kinalaman sa planong pagbabago sa saligang batas.
Ayon kay Senate committee on constitutional amendments and revision of laws chairman Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, wala pang schedule para sa hearing ang anumang panukala na may kinalaman sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Una nang naghain ng mga panukala para sa charter change sina Senators Francis Tolentino at Ronald dela Rosa.
Para kay Pangilinan, hindi angkop ngayon ang nasabing isyu, dahil mas kailangan sanang mag-focus sa pagtugon sa “worst economic at health crisis” kaysa sa pagbabago ng saligang batas.
“Among the issues that can be discussed in the caucus would be the timing of Charter amendments, considering that the country is facing the worst economic and health crisis in recent memory,” wika ni Pangilinan.
Pagtitiyak ng mambabatas, tutugunan nila ang mga panukalang nakahain, basta may angkop na pagkakataon lamang ang Senado.
Para naman kay Senate President Tito Sotto, mas madaling makakalusot ang amyenda kung nakatutok lamang ito sa economic issues o iba pang paksa.
















